MANILA, Philippines - Isa umanong asset ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasawi nang ito ay pagbabarilin ng isa sa dalawang pusher ng droga habang nagsasagawa ng surveillance kasama ang operatiba ng nasabing ahensiya sa loob ng motel sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima na hindi umabot ng buhay sa Manila Central University (MCU) Hospital dahil sa mga tama ng bala sa katawan ay kinilalang si Gerry Padilla, nasa hustong gulang, ng Mata St., Tondo, Maynila.
Nadakip ang isa sa dalawang suspek na kinilalang si John Alvin Gabriel habang pinaghahanap pa ang gunman na nakilala lang sa pangalang Tony Cho.
Sa ulat, dakong alas-2:14 ng madaling-araw, ay umokupa ng kuwarto ang biktima kasama ang asawa sa Sogo Hotel sa EDSA Avenue, Monumento ng naturang lungsod upang manmanan ang mga suspek.
Subalit, nakatunog ang mga suspek at ilang sandali ang lumipas ay kumatok ang mga suspek sa kuwarto ng biktima at nang buksan ng nasawi ay sunod-sunod na pinutukan ito ni Cho.
Tumakas ang mga suspek, subalit nadakip si Gabriel ng ilang kasamang PDEA agent.