MANILA, Philippines - Nasa 15 kabahayan sa San Francisco del Monte, Quezon City ang nilamon ng apoy kahapon ng umaga.
Ayon kay Supt. Jesus Fernandez, city fire marshal, dakong alas-11:15 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ng isang Marites Baetiong sa may no. 36 San Jose St., Brgy. San Antonio, San Francisco Del Monte matapos mapabayaan umano ang nilulutong pagkain.
Dahil sa gawa lamang umano sa light materials ang bahay ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa madamay na rin ang katabing bahay nito.
Umaabot sa P1.5 milyong halaga ng mga ari-arian ang naabo sa sunog na umabot sa ikalimang alarma.