MANILA, Philippines - Nagdaos kahapon sa kauna-unahang pagkakataon ng bible study si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Kamara.
Nagsimula ang bible study pasado alas-11:00 ng umaga sa Iñiguez Hall na dinaluhan nina Palawan Rep. Douglas Hagedorn at Cibac partylist Rep. Cichona Cruz at ng mga empleyado ng Kamara.
Si Pacquiao ay siyang nag-preach sa bible study at dito ay kanyang inihayag ang ginawang pagbabago ng Diyos sa kanyang buhay mula sa pagiging Katoliko hanggang sa tunay na Kristiyano at tinanggal din ng Diyos ang kanyang pagiging babaero at sugarol simula ng isuko niya ang buhay sa Diyos.
Naging positibo naman para sa mga empleyado ng Kamara ang ginawang pagpapahayag ni Pacquiao ng Salita ng Diyos at testimonya kung paanong nabago ang kanyang buhay nang makilala niya ang Panginoong Jesus.
Natapos ang pagtuturo ng Salita ng Diyos ni Pacquiao dakong ala-1:00 ng hapon.