Bahay ni Vhong tinangkang pasukin

MANILA, Philippines - Ibinulgar ng abogado at manager ni Vhong Navarro ang pagtangkang pagpasok ng isang lalaki sa bahay nito matapos lumabas at nagpa-interbyu ito sa media tungkol sa nangyaring pambubugbog.

Ang pagbubulgar na ito nina Atty. Dennis Manalo at manager ng actor na si direktor Chito Rono ay nang makipagkita sila kay Justice Secretary Leila De Lima para humingi ng patas na imbestigasyon sa kaso.

Ibinunyag ng dalawa na may isang lalaki ang nagbantang pumasok sa bahay ng aktor sa Quezon City na kung saan ay pasigaw na kinausap ang kasambahay na buksan ang gate na hindi naman nito sinunod kaya hindi nakapasok ng bahay ang nasabing lalaki.

Nangyari umano ang pagbabanta matapos ang pagpapaunlak ni Navarro ng panayam sa isang TV network kaugnay ng nangyaring pambubugbog sa kanya.

Bagamat hindi pa kumpirmado kung may koneksiyon ang nasabing pagtatangka sa insidenteng kinasangkutan ng actor/tv host, nakaramdam naman ng takot ang pamilya Navarro.

 

 

Show comments