Dedo kay ‘Agaton’, 37 na

MANILA, Philippines - Umakyat na sa 37 ang death toll, 65 ang sugatan, 7 ang nawawala habang nasa 500,000 katao na ang apektado ng pananalasa ng Low Pressure Area (LPA) at maging ganap na bagyong ‘Agaton’ sa apat na  rehiyon ng Mindanao.

Pinakabagong nadagdag sa talaan ng mga nasawi ay sina Guadalupe Adlawan, 70, nalunod sa Brgy. Tagbaros, Maco; Margyln Warain, 33; Ramil Legaspi , Niño Madindin,  Alfredo Moses, Roy Baron, Misael Cabales at Norvin Alvarez; pawang nasawi sa landslide sa Brgy. Bangol, Tarragona, Compostela Valley.

Ang pitong nawawala ay nakilala namang sina Leodegario Berto, 60 ng Polanco, Zamboanga del Norte; Germania Faustino, 40 at Revieson Warain, 7 anyos; kapwa ng Mt. Diwata, Monkayo, Compostela Valley; Eddie Largo ng Brgy. Ngan, Compostela Valley; Antonio Mania ng Brgy.  Andap, New Bataan; Francisco Rivera ng Tagum City, Davao del Norte at Miriam Luyan ng Lupon, Davao del Norte.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Eduardo del Rosario,  na si Agaton ay nagdulot na rin  ng 13 insidente ng landslide, anim na mga pagbaha at dalawang sakuna sa karagatan.

Nasa P265-milyon na ang naitalang pinsala ni Agaton sa imprastraktura at agrikultura sa Region IX (Zamboanga Peninsula), Region X (Northern Mindanao), Region XI (Davao Region)  at Region XIII ( CARAGA).

Kabuuang 97,705 pamilya o 466, 911 katao naman ang naapektuhan sa 564 barangay sa 92 munisipalidad sa 15 lalawigan sa nabanggit na mga rehiyon.

Sa nasabing bilang ng mga naapektuhang ay nasa 33,544 pamilya o katumbas na 162,502 katao ang pansamantalang kinukupkop sa 438 evacuation centers.

Inihayag pa ni del Rosario, sa kasalukuyan ay nasa 52 kalsada at 21 tulay ang hindi pa rin madaanan sanhi ng mga pagbaha sa Region IX, X, XI at CARAGA.

Napinsala naman ang mga tubo ng tubig sa Mate, Bacolod Water System, Brgy. Purukan at Brgy. Bosque Linamon sa Lanao del Norte.

Naitala naman ang nasa 708 na bahay ang nawasak dahil sa walang tigil na pag-ulan, pagguho ng lupa at pagtaas ng tubig baha.

 

Show comments