MANILA, Philippines - Mistulang hindi nasiyahan ang mga holdaper sa P20,000 na kanilang nakuha sa bahay ng isang mag-asawa na kanilang nilooban nang tangayin pa sa pagtakas ang 5-anyos na anak na babae kamakalawa sa Payao, Zamboanga Sibugay.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 9 Spokesman Chief Inspector Ariel Huesca, ang kinidnap na bata na si Alexa dela Cruz.
Sa ulat, dakong alas- 9:35 ng gabi nang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang bahay ng mag-asawang Alejando at Minda dela Cruz na matatagpuan sa Brgy. Kima, Payao ng lalawigan.
Nabatid na kasalukuyang nanonood ng teleÂbisyon ang mag-asawa habang naglalaro naman ang anak nang pumasok ang mga suspek at magdeklara ng holdap.
Hindi na pumaÂlag ang mag-asawa kaya’t agad ibinigay sa mga suspek ang P20,000 cash na pera na kanilang itinatago.
Nang makuha ang pera ay sinunggaban ng mga suspek ang bata at tinangay sa kanilang pagtakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Isang manhunt opeÂration ang isinagawa ng mga otoridad para mabawi ang bata.