Lolo minartilyo sa ulo, dedo

MANILA, Philippines - Dedo ang isang 69-anyos na Lolo makaraang paluin ng martilyo sa ulo ng kanyang 28-an­yos na live-in partner sa Gen. Mariano Alvarez, Civite, kamakalawa ng hapon.

Butas ang bungo at wala ng buhay nang matagpuan ng kanyang apo ang biktimang si Lolo Manuel Marasigan, nakatira sa Block 8, Lot excess, Barangay Pob­lacion 5 sa nasabing bayan.

Ang suspek ay kinilalang si Jocelyn Data, ng Barangay Kua, Gen. Mariano Alvarez, Cavite.

Sa imbestigasyon ni PO1 Marvin Belarmino, may hawak ng kaso, nabatid na ang krimen ay naganap dakong ala-1:55 ng hapon, kamakalawa sa loob ng bahay ng biktima.

Sinabi ni PO1 Belarmino, ang biktima ay nakita ng kanyang apong si Aljon Biton na naka­handusay sa kama, duguan at wala ng buhay.

Isang martilyo na may bahid pa ng dugo ang nakuha ng pulisya malapit sa bangkay ng biktima.

Sa pagtatanong ng mga awtoridad sa ilang kapitbahay ng matanda ay sinabi nila na ang huling nakitang kasama ng biktima ay ang kanyang live-in-partner na si Data.

Agad na hinanap ng pulisya si Data at nang matagpuan ay inimbita­han sa himpilan ng pulisya.

Habang isinasailalim sa interogasyon ang suspek ay napilitan siyang umamin sa krimen na ginawa.

Sa salaysay ng suspek, nagdilim umano ang kanyang paningin nang mag-away sila ng biktima kaya nadampot nito ang isang martil­yo at pinaghahataw ang biktima hanggang malagutan ng hininga.

Nakakulong ngayon sa GMA police station ang suspek at inihahanda na ang kasong murder laban sa kanya.

 

Show comments