MANILA, Philippines - Nababahala ang lahat ng residente at mga negosyante sa Olongapo City dahil sa patuloy na pag-atake ng ’di pa kilalang grupo ng Akyat-Bahay gang.
Batay sa report ng PNP tatlong magkakasunod na insidente ng nakawan ang naitala sa loob ng isang araw kung saan pawang mga dayuhan ang mga nabiktima.
Ayon sa biktima na si Tina Zhou, Chinese national at residente ng Fountain St., Barangay East Bajc-Bajac, sumaglit lang ito sa grocery store ngunit pagbalik sa kanyang bahay ay bukas na ang kuwarto at puwersa-hang sinira ang safety vault at natangay ang kanyang alahas na nagkakahalaga ng P100,000 at cash na P20,000.
Ganun din ang nangyari kay Jonathan Buether, American national nang pasukin ang tinutuluyang Freshsea cottage sa Barangay Barretto at tinangay ang kanyang laptop, camera at Lamborghini na relo na umaabot sa kabuuang halaga na P70,000.
Salaysay ng biktima sa pulisya nagtungo lamang siya sa pamilihang bayan sa Subic, Zambales para mamalengke at pagbalik nito sa tinutuluyang cottage ay naglahong para bula ang lahat ng kanyang kagamitan.
Pinasok din ng mga magnanakaw ang Subic Meat Supplies sa Barangay Barretto at tinangay ang may P50,000 na kita na nakalagay sa safety vault, isang LG component at mga grocery items.