MANILA, Philippines - Tinutugis ng pulisya ang isang dating sundalo na siyang namaril at nakapatay sa tatlong tauhan ng water utility service kamakalawa sa Taguig City.
Ang suspek ay kinilalang si Diosdado Baltan, retiradong miyembro ng Philippine Army at residente ng Palar (Philippine Light Armor Regiment) Village, sa Brgy. Pinagsama ng lungsod.
Ang mga nasawi naman ay sina Tyrol Mortos, Enrique Goco, at Ronald Mabonga, pawang mga empleyado ng Inner Port Water Distributor.
Sa imbestigasyon ay tangkang putulan ng koneksyon ng tubig ng mga biktima ang ilang residente ng lugar dahil sa hindi pagbabayad ng kanilang water bills.
Kinompronta ng mga galit na residente kabilang si Baltan ang mga empleyado ng water company hanggang sa magkainitan.
Dito nagbunot ng baril si Baltan at binistay ng bala ang tatlong biktima at pagkatapos ay tumakas.