Dalawang matandanatupok sa sunog

MANILA, Philippines - Dalawang matanda na kapwa may kapansanan ang nasawi matapos hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Malate, Maynila.

Kinilala ang mga nasawing sina Rosario Garcia, 95 na may katarata  at Rodolfo Castro, 62 na may polio at katarata rin.

Batay sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang sumiklab ang sunog sa hindi pa malaman bahay sa Zapanta St., na mabilis na  kumalat sa  50 bahay na pawang gawa sa light materials.

Ayon kay Noli Garcia, apo ng biktimang si Rosario,  sinubukan nilang iligtas ang  kanyang lola at tiyuhin, suba­lit naging mabilis ang pangyayari at pagkalat ng apoy.

Nahirapan din ang mga bumbero na pasukin ang  lugar dahil sa masikip ang daan at dikit-dikit ang kabahayan.

Tumagal ng halos dalawang oras ang sunog bago ito tuluyang naapula at inaalam pa ng  mga  otoridad ang  pinagmulan ng apoy at kung magkano ang halaga ng naabong ari-arian.

Show comments