Ex-AFP Chief Delfin Bangit pumanaw na

MANILA, Philippines - Sa edad 58 ay puma­naw na si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff ret. Gen. Delfin Bangit, ang heneral na napilitang mag­retiro nang maaga matapos na magpalit ng liderato sa gobyerno kaugnay ng pag-upo sa puwesto ni Pangulong Benigno Aquino III  noong Hulyo 2010.

Ayon kay AFP-Pub­lic Affairs Office (AFP-PAO) Chief Lt. Col. Ramon Zagala II, si Bangit ay sumakabilang buhay pasado alas-5:00 ng hapon nitong Biyernes sa Saint Luke’s Medical Center sa Quezon City matapos ang matagal na pakikipaglaban sa kaniyang karamdaman.

Hindi pa masabi ng opisyal kung anong sakit ang ikinamatay ni Bangit dahilan hindi pa nito nakakausap ang nagluluksang pamilya ng dating Chief of Staff.

Bilang pagpupugay sa dating Chief of Staff ay inilagay sa half-mast ang mga bandila sa lahat ng military camp sa buong bansa. 

Si Bangit ay produkto ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1978 na ang karamihan ng opisyal ay kilalang naging malapit kay da­ting Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Sa tala, si Bangit ay ika 39th Chief of Staff na nakilala sa malawakang crackdown laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group sa Basilan at Sulu na ikinapilay ng lokal na teroristang grupo sa pag­kalipol ng mga commander at sub-commanders ng mga ito.

Napababa rin ni Bangit ang bilang ng mga rebeldeng NPA sa panahon ng liderato nito sa 5,000 at ang karahasan ng mga ito ay nasa limang lugar na lamang sa buong bansa.

Noong 2010 national elections ay nanindigan rin si Bangit para sa isang malinis at mapayapang halalan na binigyan ng direktiba ang AFP na huwag makisawsaw sa pulitika.

Gayunman ng maluklok sa puwesto si Aquino ay napilitang magretiro ng maaga ang heneral matapos lantarang sabihin ng punong ehekutibo na ayaw niya sa heneral dahil isa umano itong tinaguriang “GMA boys”  o heneral na pinagkakatiwalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Show comments