MANILA, Philippines - Magkasunod na hinoldap ang dalawang taxi driver ng dalawang lalaki na nagpanggap na pasahero at matapos kunin ang kanilang kinita ay tinangay pa ang kanyang pinapasadang taxi kamakalawa sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang dalawang biktima na sina Alberto Robina, 38, driver ng Alta Taxi (TWS-955); at Eric Layos, 43, driver ng Sturdy Taxi (TWN-428).
Sa salaysay ni Robina sa pulisya, sumakay sa kanya ang dalawang lalaki dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa Fairview at nagpahatid sa Kamuning.
Pagdating sa kahabaan ng 20th Avenue, KamuÂning ay pinahinto ng dalawang suspek ang biktima at nagdeklara ng holdap sabay tutok ng patalim sa leeg.
Kinuha ng mga suspek ang kinitang P300 ni Robina at pinalipat ito sa backseat habang isa sa mga suspek ang nagmaneho ng taksi.
Makalipas ang ilang minuto, puwersahang pinagtatadyakan pababa ng mga suspek ang biktima, saka tinangay ang kanyang taxi.
Isang oras ang nakalipas, dakong alas-4:30 ng madaling-araw ay sinunod na hinoldap ang biktimang si Layos, driver ng Sturdy taxi matapos na sumakay sa kanya ang dalawang suspek sa 20th Avenue, at nagpahatid sa may Kamuning.
Pagsapit sa Kamuning, kanto ng Judge Jimenez, ay bigla umanong nagdeklara ang mga ito ng holdap.
Kinuha rin ng dalawang suspek ang kinitang P3,200 ni Layos at inagaw din ang pinapasada nitong taxi.
Natukoy ng mga biktima ang isa sa dalawang suspek na si Celino Mamuco, alyas Nilo na dati nang naaresto dahil sa panghoholdap.
Samantala, alas 7:30 ng umaga ay napaulat na narekober na ng otoridad ang Alta taxi sa may kahabaan ng 20th Avenue matapos iwan ng nasabing mga suspek.