NPA bomb factory nalansag

MANILA, Philippines - Isang malaking regional landmine factory ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang nalansag na nagresulta  sa  pagkakasamsam ng 163 piraso ng bomba sa isang operasyon sa Sitio Mampait, Brgy Kauswagan, Loreto, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga.

Batay sa ulat, bandang alas-10:00 ng umaga nang salakayin ng Army’s 103rd Infantry Brigade ang malaking pabrika ng landmine ng NPA re­bels  sa pusod ng kagubatan na siyang  nagsu-supply ng landmine sa buong rehiyon ng Eastern­ Mindanao matapos makatanggap ang militar ng impor­masyon  sa kanilang tipster.

Gayunman, wala ni isa mang rebelde ang nasakote ng mga sundalo sa operasyon na pinaniniwalaang mabilis na nakatakas matapos na matunugan ang presensya ng tropa ng pamahalaan.

Magugunita na umpisa noong 2010 hanggang sa kasalukuyan ay umaabot na sa 453 landmine ang pinasabog ng NPA na ikinasawi ng 128 katao, 325 ang nasugatan habang marami  pang pasilidad ng gobyerno at ari-arian ng mga sibilyan ang nawasak.

Kaya’t sa pangya­yaring ito, ayon kay Captain Alberto Caber, Spokesman ng AFP -Eastern Mindanao Command ay nasilat ang planong pambobomba ng NPA rebels tulad ng ambuscades laban sa tropa ng militar at ma­ging sa mga instalasyon ng gobyerno gayundin sa mga establisyemento ng mga negosyanteng kinokotongan ng mga rebelde.

Show comments