MANILA, Philippines - Dismayado ang PaÂngulong Benigno Aquino III sa naging desisyon ng Bureau of Pardons and Parole (BPP) sa pagkakaloob ng parole kay dating Batangas Gov. Antonio Leviste.
Ayon kay PCOO Sec. Herminio Coloma Jr. sa Radyo ng Bayan, hindi natuwa si Pangulong Aquino nang malaman ang pagkakaloob ng parole ng BPP kay Gov. Leviste na napatunayang bumaril sa kanyang kaibigan at aide na si Rafael delas Alas sa opisina ni Leviste sa Makati City noong 2007.
Hinatulan ng pagkakakulong ng Makati Regional Trial Court si Leviste ng 6-12 taon dahil sa kasong homicide ng mabaril at mapatay nito sa loob ng kanyang opisina sa LPL building si delas Alas.
Sinabi ni Sec. Coloma, iniutos na ng Pangulong Aquino ang pag-iimbestiga sa naging desisyon ng board hinggil sa pagbibigay ng parole sa dating gobernador ng Batangas.
Nakalaya noong Biyernes si Gov. Leviste kasama ang may 33 iba pang inmates matapos bigyan ng parole ng BPP.
Magugunita na nabuko rin na labas-pasok sa kanyang kulungan noong 2009 sa New Bilibid PriÂson sa Muntinlupa si LeÂviste na walang pahintulot ng korte at Bureau of Corrections hanggang sa masibak ang 5 personnel ng Bucor na nagsilbing escort ni Leviste.
Hindi ang tanggapan ng Pangulo ang nagkaloob ng parole kay Leviste kundi ang BPP na nasa ilalim ng paÂngangasiwa ni Justice Sec. Leila de Lima.