Holdaper tepok sa barilan

MANILA, Philippines - Isa sa dalawang holdaper na sakay ng motorsiklo ang nasawi nang makipagbarilan sa mga pulis matapos na holdapin ang isang lalaki kamakalawa ng gabi sa Brgy. Mariana, Quezon City.

Sa imbestigasyon, bago naganap ang shootout dakong alas-9:00 ng umaga sa may Gilmore St., kanto ng 10th St., Barangay  Mariana ay hinoldap muna ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang biktimang si Joel Abajero, 21-anyos ng N. Roxas,Banawe, Quezon City.

Nabatid na habang naghihintay ng masasakyan si Abajero ay bumaba ang angkas ng motorsiklo na walang plaka  at tinutukan ng baril sabay nagdeklara ng holdap.

Agad na ibinigay ni Abajero ang pitaka na naglalaman ng P5,000 at mamahaling cellphone.

Nagkataon na nagpapatrulya ang patrol car ng Galas Police at sinita ang mga holdaper na agad tumakas sakay ng motorsiklo.

Kaya’t hinabol ang mga  holdaper at inabutan sila sa  may 10th St., Brgy. Mariana sa QC, subalit sa halip sumuko ay  pinaputukan ng mga ito   ang mga pulis.

Gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng isa sa holdaper habang ang kasama nito kahit sugatan ay nagawang makatakas sakay ng motorsiklo.

Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa napatay na suspek.

Show comments