MANILA, Philippines - Nagkamali ng akala ang isang 28-anyos na pasahero na siya ay maliligtas sa pagtalon sa jeep na nawalan ng preno matapos na una ang ulo nito na tumama sa kalsada sa kanyang pagbagsak kahapon ng madaling-araw sa Antipolo City, Rizal.
Idineklarang dead-on- arrival sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center
ang biktimang si Manuel Cruz Jr., 28, empleyado ng Ibex Global ng Ponciano Compound, Tikling Ortigas Extension, Brgy. Dolores, Taytay, Rizal dahil sa tinamong sugat sa ulo at katawan.
Sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang mawalan ng preno ang sinasakyang jeep (TXK-732) ng biktima na minamaneho ni Pascual Lugo, 42, ng Carbon St., Minahan Interior,
Malanday, Marikina City sa Marcos Highway, Brgy.Mayamot ng lungsod.
Natakot ang biktima na pasahero dahil iniisip na mahuhulog sa bangin ang jeep kaya’t tumalon ito, subalit nabagok ang ulo sa sementedong kalsada.
Nagawa naman mairampa sa gilid ng kalsada ang jeep kaya nakaligtas ang ibang pasahero sa tiyak na kapahamakan.