Election officer bulagta sa riding in tandem

MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 48-anyos na election officer ng Parang, Maguindanao nang  pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo kamakalawa sa highway ng Matalam, North Cotabato.

Kinilala ang nasawing biktima na si Ted Monteverde Sispon, na nagtamo ng mga tama ng bala ng  cal.45 pistol sa katawan.

Sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga ay lulan si Sispon ng pampasaherong multi-cab na galing Kidapawan City at patungo sa bayan ng Matalam nang sundan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at nang makalapit ay pinagbabaril, subalit hindi tinamaan ang biktima na nakaupo sa dulong bahagi ng sasakyan.

Kaya’t hinarang ng mga suspek ang  multicab at pinahinto ang driver na tinutukan ng mga ito ng baril.

Agad namang tumalon sa multicab si Sispon at nagtatakbo, subalit hinabol ito ng mga salarin at niratrat nang maabutan sa madamong bahagi sa tabi ng highway.

Lumalabas sa imbestigasyon na matapos ang barangay elections noong October 28 ay nagsimula nang makatanggap ng death threat ang biktima.

Malaki ang hinala ng pulisya na may kinalaman sa nakalipas na halalan ang motibo ng pagpatay.

 

Show comments