14 sugatan... Trak hulog sa bangin: 4 todas

MANILA, Philippines - Nasawi ang 4 katao habang 14 ang nasugatan makaraang aksidente mahulog sa bangin ang isang truck sa kahabaan ng President Diosdado national highway, Sitio Culisisi, Brgy.Tagabakid, Mati City,  Davao Oriental kamakalawa ng gabi.

Nabatid na tatlo agad ang nasawi na kinilalang sina Joselito Campana, 49; Bonifacio Zamora at isang alyas Botyok, pawang residente ng Zone 1, Digos City. Habang dead-on-arrival sa pagamutan ang isang alyas Empoy.

Nilalapatan ng lunas ang 14 katao sa Davao Oriental Provincial Hospital na ang isa rito na nakilalang si Carlo Milan, 19 ay nasa kritikal na kondisyon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi ay kasalukuyang bumabagtas sa nasabing highway ang kulay berdeng Isuzu Elf dropside truck (LFP-892) na puno ng kargang mangga  na minamaneho ni Darwin dela Cruz ng Banay Banay, Davao Oriental nang mawalan  ito ng preno.

Tuluy-tuloy na nahulog sa 50 talampa­kang  lalim ng bangin ang truck na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima.

 

Show comments