Taxi driver inaresto sa pag-spray sa pasahero

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga otoridad ang isang taxi driver matapos na spreyan niya ng kemikal na pampatulog ang kanyang pasaherong estudyante para pagnakawan naganap sa Brgy. Manggahan, Pasig City.

Ang suspek ay kinilalang si Dominador Obsenarez,38, taxi driver at residente ng Tupaz Subdivision, Gitnang Bayan I, San Mateo, Rizal.

Sa salaysay ng bikti­mang si Micah Crystel Sual ng Brgy. Sta. Lucia, Pasig City, dakong alas-6:45 ng gabi noong Nobyembre 28 ay sumakay siya sa TRICON taxi cab
(TWJ-743) ng suspek sa Rodriguez Avenue kanto ng East Bank Road, Barangay Mangahan, Pasig City.

Habang nakaupo ang biktima sa taxi ay nakalanghap ito ng amoy na isang uri ng kemikal na dahilan upang mahilo ito at makaramdam ng pamamanhid ng katawan.

Naghinala ang biktima sa taxi driver kaya’t tinangka nitong buksan ang pintuan ng taxi upang tumakas, ngunit kaagad siyang pinigilan ng suspek.

Nakatawag naman ito ng pansin ng mga barangay tanod na rumoronda sa lugar na agad rumesponde at inaresto ang suspek.

Dinala na ng pulisya sa EPD Crime Laboratory ang nakumpiskang hinihinalang chemical compound upang masuri habang ang suspek ay kinasuhan ng attempted robbery.

Show comments