“Huwag po sana akong i-single out at personalin dahil hindi po ako magnanakaw.” - Pacquiao

MANILA, Philippines -Ito ang inihayag ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao dahil sa pagpigil ng Bureau of Internal Revenue sa kanyang pera sa bangko.

Dahil dito ay tali ang kamay ni Pacquiao sa pagtulong sa mga biktima ng lindol sa Bohol at bagyong Yolanda sa Visayas.

Ayon kay Pacquiao, matagal na niyang gustong makatulong sa mga biktima ng kalamidad sa Visayas, subalit  hinabla umano siya ng BIR ng P2.2 bilyon peso tax case na walang basehan at pini­gil pa ang kanyang pera.

“Hindi ako makapag-withdraw ni isang singkong sentimo sa sarili ko pong pera, hindi ko magamit para man lang makatulong. Ang pera kong ginarnish ng BIR ay hindi po nakaw at hindi po PDAF o DAP, ito po ay galing sa lahat ng suntok, bugbog, pawis at dugo na tiniis ko sa boxing,” ayon sa People’s Champ.

Kinuwestiyon din ni Pacquiao ang motibo ng BIR sa pagsasampa ng kaso laban sa kanya kahit naibigay na ang kanyang mga tax requirements at impormasyon na kaila­ngan ng ahensiya.

Inatasan na rin ni Pacquiao ang kanyang mga abogado na gawin ang lahat ng legal na paraan upang bawiin ang desisyon ng Court of Tax Appeal (CTA) upang makapagbigay siya ng tulong sa mga biktima ng kalamidad na nanga­ngailangan ng pinansyal na panga­ngailangan.

Show comments