Tricycle driver, utas sa tandem

MANILA, Philippines - Utas ang isang tricycle driver makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa harap ng isang tindahan ng litsong manok sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PO2 Rhic Pittong, may-hawak ng kaso, si Gilbert Israel, 34, ay agad na nasawi matapos ang pamamaril ng mga suspek, ganap na alas-7:40 ng gabi.

Nangyari ang insidente sa may harap ng Andok’s lechon na matatagpuan sa IBP Road, Brgy. Commonwealth, sa lungsod.

Ayon kay Jay-R Malicdim, habang nakatayo siya sa lugar nang makita niya si Israel na dumating sakay ng kanyang tricycle at ipinarada ito.

Mula sa likuran ay sumulpot naman ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at agad na pinagbabaril ang biktima at mabilis na tumakas matapos ang krimen.

 

Show comments