P22-B pinsala ni ‘Yolanda’

Pagkaraang dumaan sa pinakagrabe nang bangungot sa kanilang buhay, ang mga biktima ng bagyong Yolanda ay nakatanggap ng tulong o kawanggawa mula sa iba’t-ibang lugar. Nakiramay at umayuda ang mga tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Sa larawan, ang Operation Damayan ng Star Group of Publications sa pamumuno ni Star President/CEO Miguel Belmonte at ng kanyang maybahay ay namigay ng tulong sa may 3,000 pamilya sa Basey, Samar. Tumanggap sila ng mga tubig, bigas, banig, kumot, tsinelas, delatang pagkain, biskuwit at iba pang grocery items. (Kuha ni EDD GUMBAN)

MANILA, Philippines - Umakyat na P22-bilyon ang pinsala ng bagyong Yolanda habang nasa 5,235 na ang naitalang death toll, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon.

 Sinabi ni NDRRMC  Executive Director Eduar­do del Rosario, nasa 23,501 katao ang nasugatan habang nasa 1,613 pa ang patuloy na pinaghahanap.

Sa 5,235 katao na nasawi na naitala ng NDRRMC ay  hindi pa kasama ang kabuuang 1,841 na nakuha ng Task Force Cadaver sa Tacloban City mula Nobyembre 15 hanggang Nobyembre 22 .

 Kung pagsasamahin ang nasabing bilang ng mga narekober na bangkay ay aabot na ang death toll sa 7,076 hindi pa kabilang ang nakuha na 572 bangkay na lumulutang sa Tacloban Bay.

Ang bagyong ‘Yolanda’ ang itinuturing na pinakamalakas na bagyo sa buong mundo na nagpadapa sa maraming lugar Visayas.

Una ng ipinangako ng Pangulong Benigno Aquino III na katuwang ang gobyerno sa muling pagbangon ng mga nasalanta ng belubyo ng super bagyong ‘Yolanda’.

 

Show comments