MANILA, Philippines - Dedo ang isang 27 taong gulang na sales exe-Âcutive ng isang car company matapos na siya aybarilin ng dalawang holdaper na bumiktima sa kanya sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Maraming beses na binaril sa ulo at katawan ng dalawang holdaper ang biktimang si Mark Matthew Alvarez, sales executive ng Mitsubishi Motors.
Ang insidente ay naganap dakong alas-3:00 ng madaling araw sa tapat ng Petron gasoline station sa kanto ng Commonwealth Avenue at Atherton Street, Barangay North Fairview sa lungsod.
Ayon kay Inspector Elmer Monsalve, hepe ng Homicide Division ng Quezon City police, narekober nila sa crime scene ang 3 bala ng kalibre 45 at 3 bala ng 9mm na baril.
Sinasabing sakay ang biktima ng kanyang kulay pulang Honda Scoopy motorcycle sa naturang gas station ng lapitan siya ng dalawang suspek at holdapin.
Sinasabing nanlaban ang biktima kaya ito pinagbabaril ng mga suspek at mabilis na tumakas tangay ang pera, cell phone at motorsiklo ng biktima.
Nagsasagawa ngayon ng follow-up operation ang mga awtoridad para madakip ang dalawang salarin.