DOH ipinatupad ang price freeze sa gamot

MANILA, Philippines - Ipinatupad na rin ng Department of Health (DOH) ang price freeze sa mga gamot sa lahat ng pharmacy at drug stores bunsod na rin nang  isinasagawang  relief ope­rations ng iba’t ibang ahensiya ng  pamahalaan

Sakop ng price freeze ang may 200 pinaka-kinakailangang gamot para sa iba’t ibang sakit na maaaring tumama sa mga biktima ng super typhoon Yolanda tulad ng physical at mental trauma, diarrhea, pneumonia, sakit sa balat, mga impeksyon gaya ng leptospirosis, diabetes, hypertension at hika.

Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, sa ilalim ng Republic Act 7581 o Price Act, mandato ng DOH na otomatikong ilagay sa price freeze o kaya ay magpatupad ng maximum price ceiling sa mga mahahalagang gamot na itinuturing na basic commodities.

Ang price freeze ay ipinatutupad sa lahat ng pampubliko at pribadong drug retail outlets sa buong bansa kabilang na ang mga hospital pharmacies. 

Hinimok naman ni Ona ang mga consumer na magreklamo sa DOH sakaling may mga botika na lalabag sa kautusan. 

Samantala, umapela naman si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III sa mga drug firm at ma­ging sa mga retail stores na mag-donate ng mga gamot na lubhang kaila­ngan ng mga survivors ng super typhoon Yolanda.

Nabatid na nagkakaroon na ng shortage ng gamot sa mga probinsiya ng Samar at Leyte at Tac­loban City kung saan tumigil na ang operasyon ng ilang ospital at municipal health centers dahil wala na silang maibigay na gamot sa mga pas­yente.

Inihalimbawa ni Pimentel ang kaso ng isang ina na nakaligtas sa bagyo pero namatay rin matapos hindi mabigyan ng gamot sa isang ospital dahil nagkaubusan na ng suplay.

Show comments