Modelo dedo sa gulpi ng mister

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa Makati Medical Center ang isang 28-anyos na modelo matapos na mapatay ng mister na Kano nang gulpihin at ihampas ang ulo nito sa pader kamakalawa sa Makati City.

Ang biktima na nasawi dahil sa tinamong pinsala sa ulo dulot ng paulit-ulit na paghampas sa pader ay nakilalang si  Aiko Baniqued Moore.

Arestado naman ang mister nitong si  James Edward Moore II, alyas Jim Moore, ng Unit 4-G Rockwell Amorsolo West Condominium ng lungsod.

Batay sa ulat, alas-4:00 ng hapon nang masaksihan ng pamangkin ng biktima na si Cristina Rose at personal assistant na si Marvin Sunga ang panggugulpi ng suspek sa biktima.

Nakita rin ng dalawa na paulit-ulit na inuuntog ni Jim ang ulo ni Aiko sa pader at saka ipinosas ito. 

Nagawa namang makalagan nina Sunga si Aiko at nagtangkang tumakas ngunit naabutan sila ni Jim sa may elevator  at dito ay ubod lakas na inihampas muli ang ulo ng biktima sa pader hanggang sa mawalan ito ng malay.

Rumesponde ang mga security per­sonnel at mabilis na isinugod ang biktima sa pagamutan.

Nagtangka naman umanong tumakas si Jim sa pagtakbo sa kanyang condominium unit at magpakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang leeg.

Naagapan ng mga security guard si Jim at dinala sa Ospital ng Makati kung saan nilapatan ng lunas.

Ayon sa mga kaibigan ng  biktima malimit umano itong ginugulpi ng mister na dayuhan sa hindi malamang kadahilanan.

Nakatakdang kasuhan ang suspek ng parricide.

Show comments