I invoke my right, hindi ko alam, hindi ko matandaan… Napoles ‘no talk’ sa Senado

MANILA, Philippines - Tanging “hindi ko po alam” at “I invoke my right against self-incrimination, wala akong matandaan” ang naging sagot ni Napoles sa tanong ng mga senador na kung susumahin ay halos aabot sa mahigit 55 beses.

Kaya naman ay bigo ang Senate Blue Ribbon Committee na mapa­kanta si Janet Lim-Napoles kung sinu-sino ang mga opisyal ng gobyerno at mga mambabatas na tumanggap sa kanya ng kickback mula sa pork barrel fund scam.

Sa halip na idiin ang tatlong senador na sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, Senators Jose “Jinggoy” Estrada, at Ramon Bong Revilla na sinasabing nag­lagay ng kanilang pork barrel funds sa mga pekeng non-government organizations ay sinabi pa ni Napoles na naaawa pa siya sa mga mambabatas na nadadawit sa isyu.

Natuloy ang paggigisa ng mga senador kay Napoles matapos nitong tanggapin ang tatlong abogado mula sa Public Attorneys Office (PAO) na kinabibilangan nina Marlon Buan, Howard Areza, at Analisa Soriano.

Nang tanungin ni Se­nator Miriam Defensor-Santiago si Napoles kung ang “tanda” na tinutukoy na naglagay ng pondo sa mga pekeng NGO ay si Enrile, ini-invoke ni Napoles ang kanyang karapatan “against self-incimination”.

Sinabi naman nito na hindi niya alam kung si Estrada ang tinutukoy na “sexy” at kung si Revilla ang sinasabing “pogi”.

Mariin namang iti­nanggi ni Napoles na mayroon siyang 21 NGOs dahil iisa lamang ang kanyang itinayong NGO at ito ay ang Magdalena Luy-Lim Foundation.

Sinabi naman sa mga solon na dapat na i-cite for contempt ng Senado si Napoles dahil sa pa­tuloy na pagtanggi nitong sagutin ang tanong ng mga Senador.

 

Show comments