MANILA, Philippines -Tatlong lalaki na mga miyembro ng kidnap-for-ransom group ang nasakote matapos na makatakas ang kinidnap nilang mining supervisor kahapon ng umaga sa isang subdivision sa Bacoor City, Cavite.
Kinilala ang nakatakas na biktima na si Josue Tulbeo, 27-anyos, mining supervisor ng minahan na pag-aari ng kanyang pamilya at residente ng Camarines Norte na halos dalawang buwan na naging bihag ng mga suspek.
Nadakip ang mga suspek na sina Felizardo Pagulayan (utak sa pagdukot); Danilo Galipa at Anthony Peralta nasa watchlist ng PNP.
Batay sa ulat, bandang alas-7:30 ng umaga nang salakayin ng mga operatiba ng pulisya ang safehouse ng mga suspek sa Bahay Pag-asa Subdivision, Brgy. Molino 5, Bacoor City ng lalawigan.
Isinagawa ang operasyon matapos makatakas ang biktima sa kanyang bantay nang makiusap ito na luwagan ang pagkakadena sa kanyang mga kamay.
Nang makalas sa pagkakadena ay dumaan ito sa bintana ng safehouse at humingi ng tulong sa mga residente sa lugar.
Nabatid na si Pagulayan, ang utak sa pagdukot sa biktima na halos 2 buwan ay isa sa mga most wanted na kriminal na tinutugis ng PNP at may P500,000 reward para sa kanyang ikadarakip.
Nabatid na humihingi ng P60M ransom ang grupo ni Pagulayan sa pamilya ni Tulbeo kapalit ng kalayaan nito.
Narekober ng PNP sa safehouse na pinagtaguan sa biktima ang dalawang caliber .45 pistol, cellphone, cash, wigs, eye glass at mga gadgets.