MANILA, Philippines - Nakataas ngayon sa full alert status ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan kaugnay ng paggunita sa Undas.
Sinabi ni PNP Public Information Office Chief P/Sr. Supt. Reuben Theodore Sindac, epektibo kahapon ay ipatutupad ng PNP ang full alert upang bigyang proteksyon ang mga tao na magtutungo sa mga sementeryo para bumisita sa puntod ng kanilang yumaong mahal sa buhay.
Partikular na babantayan ng mga pulis ay ang mga public transport terminals sa Metro Manila kaugnay ng inaasahang exodus ng mga taong magtutungo sa mga probinsya.
Ayon kay Sindac, todo bantay ang PNP laban sa lahat ng banta sa seguridad tulad ng mga teroristang grupo at mga elementong kriminal.
Inihayag pa ni Sindac na may sapat na puwersa ng pulisya na ipakakalat sa mga pangunahing sementeryo upang mangalaga sa seguridad ng mamamayan laban sa masasamang elemento na posibleng magsamantala sa okasyon.
Ipinaalala rin ni Sindac na umiiral pa rin ang gun ban at bawal ang pagdadala ng patalim sa mga sementeryo.
Aniya, maglalagay sila ng mga Police Assistance Desk sa entrance ng mga sementeryo para tumulong sa mamamayan habang magpapakalat din ng mga traffic enforcers upang mangalaga sa daloy ng trapiko.