MANILA, Philippines - Naitala ng PNP National Task Force SAFE (Secured and Fair Elections) sa loob ng 24 oras ang 40 insidente ng karahasan kaugnay ng ginanap na barangay elections sa bansa kahapon.
Sinabi ni PNP Deputy Director for Operations P/Deputy Director General Felipe Rojas, Commander ng National Task Force SAFE, sa kabuuang 40 karahasan ay 22 ang nasawi, 37 ang nasugatan, 8 ang nawawala matapos ang mga itong makidnap.
Ayon kay Rojas, karamihan sa mga naitalang insidente ng karahasan ay sa Mindanao kabilang dito ang mga lalawigan ng Lanao del Sur, Bukidnon, Cotabato, Maguindanao at iba pa.
Kabilang sa mga naitalang karahasan ay ang panaÂnambang sa grupo ni Malitbog Bukidnon Brgy. Captain Algene Ocero dakong alas-11:15 kamakalawa.
Ang ambush sa isang election officer na kinilalang si Atty. Merlinda Alvarez sa Brgy. Parina, Palanas, Masbate dakong alas-11:18 ng umaga kamakalawa na ikinasugat ng opisyal at dalawang pulis.
Kahapon ng alas-7:00 ng umaga ay nasugatan ang kandidatong brgy. chairman na si Hermie Asao nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Brgy. Kamaburingan, Basilan sa mismong pagbubukas ng halalan.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na mapayapa sa kabuuan ang isinasagawang pagdaraos ng halalang pambarangay kumpara sa mga nagdaang eleksyon.
Samantala, iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na sa pangkalahatan ay naging mapayapa ang naganap na elections.