Vice Mayor huli sa PDEA tumitira ng shabu

MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug enforcement Agency (PDEA) ang Vice Mayor ng isang bayan sa Camarines Sur matapos maaktuhang tumitira umano ng shabu sa loob ng isang tourist inn sa naturang lalawigan, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PDEA Director General at Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang dinakip na opisyal na si Andre Hidalgo, 60, incumbent Vice Mayor ng bayan ng Milaor, na residente ng Barangay Sto. Domingo, Milaor, Camarines Sur.

Nabatid  kay Cacdac, dakong alas-7:15 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 5 sa Camarines Sur Provincial Office, sa pamumuno ni Director Archie Grande ang bise alkalde matapos ang isinagawang entrapment operation sa isang kuwarto sa loob ng tourist inn sa Balagtas, Naga City.

Akto umanong humihithit ng iligal na droga si Hidalgo ng dakmain ng mga awtoridad.

Nabawi kay Hidalgo ang isang plastic sachet ng shabu, isang bukas na sachet ng shabu at ilang drug paraphernalia.

Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong ngayon sa Provincial Office ng PDEA RO5 Camarines Sur.

Paglabag sa Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Section 12 (Possession of Drug Paraphernalia) at Section 15 (Use of Dangerous Drugs), ang inihahandang kaso ngayon laban sa Vice Mayor.

 

 

Show comments