MANILA, Philippines - Napatay ang apat na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) habang apat pa ang nasugatan nang sumiklab ang sagupaan nang salakayin ng may 70 tauhan ng dalawang commander ang bahay ng isang dating Association of Brgy. Chairman (ABC) President sa bayan ng Pagalungan, Maguindanao kahapon.
Sa ulat ni Capt. Antonio Bulao, Civil Military Operations Officer ng Army’s 602nd Infantry Brigade, dakong alas-4:55 ng madaling-araw nang salakayin ng mga armadong MILF ang bahay ni dating ABC President Mukamad Andoy sa Brgy. Bagoinged, Pagalungan.
Natukoy na ang grupo nina MILF Commander Buto at Commander Bigkog ang responsable sa pagsalakay at pinaulanan ng mga bala ang bahay ni Andoy.
Kaya’t gumanti ang mga tauhan na nauwi sa bakÂbakan na tumagal ng may 35 minuto na ikinasawi ng mga tinukoy lamang sa mga pangalang Nasrula, Datukan, Aladin at Mamatanto; pawang mga tauhan ni Commander Buto.
Muling nagkaroon ng bakbakan bandang alas-9:00 ng umaga sa lugar sa pagitan ng magkalabang grupo nang humingi ng tulong si Andoy mula sa MILF National Guard 108th Base Command para kunin ang bangkay ng mga nasawi nitong tauhan.
Ang bakbakan ay ikinasugat naman ng apat pang tauhan ni Andoy na mabilis na isinugod sa pagamutan.
Ang insidente ay nagbunsod din sa paglikas ng may 400 pamilya mula sa Brgy. Kudal at Bago Inged sa nasabing bayan.
Nag-deploy ang Army’s 602nd Brigade ng tropa ng mga sundalo upang mapigilan ang posible pang pagsasagupa ng magkalabang grupo.