Kapitana, mister na kandidato inutas

MANILA, Philippines -Patay ang isang incumbent ba­rangay chairwo­man, at mister nito na tumatakbong kagawad matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan kahapon ng madaling-araw sa Brgy. Tabud, Bataraza, Palawan.

Nakilala ang mag-asawang biktima na sina Rogelio, 56-anyos at Zosima Consomino na kapitanan sa kanilang lugar.

Batay sa ulat, ni Baltaraza Chief of Police P/Sr. Supt. Raymond Domingo, bandang alas- 12:05 ng madaling araw habang pauwi na ang mag-asawa na galing sa pakikipanood ng telebis­yon sa kanilang kapitbahay nang harangin ng mga armadong salarin.

Sunud-sunod na pu­tok ang umalingawngaw na siyang tumapos sa buhay ng mag-asawa.

Matapos pagbabarilin ang mag-asawa ay mabilis namang nagsitakas ang mga armadong salarin na sinamantala ang kadiliman ng gabi.

Nabatid na bago ang pamamaslang ay nakatanggap umano ng pagbabanta sa kanilang buhay ang mag-asawa na sinasabing mara­ming mga supporters sa kanilang lugar.

Pinaniniwalaan naman ang insidente ay may kinalaman sa  pulitika kaugnay ng mainit na labanan ng mga kandidato sa lalawigan.

Show comments