‘Santi’ nanalasa: 10 patay, 4 nawawala

MANILA, Philippines - Iniulat kahapon ng Office of Civil Defense (OCD) Region 3 at Natio­nal Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 10 katao ang nasawi habang apat na mangi­ngisda ang nawawala nang manalasa ang bagyong Santi sa mga hinagupit nitong lugar sa bansa partikular na sa Region II at  Central Luzon.

Sa pahayag ni NDR­R­MC Spokesman Major Reynaldo Balido Jr.,   na lima katao ang naita­la ng kanilang tanggapan kabilang ang isang PO1 Cri­sencio Oma­wing Bueno ng 1st Maneuver Company, Regional Public Safety Battalion ng Police Regional Office 3 na natabunan ng lupa sa Brgy. Ayala, Magalang, Pampanga dakong ala-1:00 ng madaling-araw kahapon.

Narekober ang bangkay nito bandang alas-3:00 ng madaling-araw ng nasabi ring araw. Isa rin ang nakuryente sa Brgy. Lourdes, Candaba, Pampanga na si Michael Parungao.

Ang pangatlong biktima ay nadaganan naman ng nabuwal na punong kahoy sa Jaen, Nueva Eci­ja na kinilalang si Irish Balingit, 16; isang 70 an­yos na lalaki at 7-anyos na batang lalaki na kapwa na­daganan ng nabuwal na punong kahoy sa Bonga­bong, Nueva Ecija.

Ang ikaanim na biktima ay si Flora Bautista, 80, na nalunod matapos na tangayin ng malakas na agos sa ilog sa gitna ng malalakas na buhos ng ulan.

Isa pa sa nasawi ay sina Francisco Serrano na inatake dahilan sa malakas na ihip ng hangin sa Lubao, Pampanga; Ricardo del Rosario, 81; Rachele Samson, 8; isang nadaganan ng pader sa Mabalacat, Pampanga at isa pa mula naman sa Tarlac na inaalam pa ang pangalan.

Samantala, apat na ma­ngingisda ang nawa­wala na ang tatlo ay mula sa Catan­duanes sa Bicol Region  na kinilalang sina Andres Timuat, 42; Edil­berto Arcilla, 55 at Jose Burak, 58 at ikaapat ay mula naman sa Dingalan, Aurora.

Ang bagyong Santi na bahagyang humina matapos na mag-landfall sa Dingalan, Aurora na tumahak sa West Philippine Sea kahapon ng umaga ay inaasahang lalabas na sa bansa ngayong araw.

Iniulat rin ng opisyal na nasa 2,000 pasahero, 24 behikulo, 277 rolling cargoes at 19 motorbancas ang stranded sa iba’t ibang mga pantalan sa Luzon.

Dumanas rin ng ma­tinding mga pagbaha ang iba pang lugar sa Central Luzon kabilang ang ilang bayan sa lalawigan ng Bulacan na mula 3 talampakan hanggang lagpas tao ang baha partikular na sa bayan ng San Miguel at San Ildefonso.

Iniulat rin na 13 kalsada ang hindi madaanan sa Region 3 kabilang dito ang McArthur Highway; Brgy. Sta. Cruz sa Tarlac City at dalawa mula sa Ligao City, Albay sa Region V habang nasa 45,000 hektaryang pananim na malapit ng anihin ang winasak ng flashfloods sa Pampanga.

 

 

Show comments