DAP ayaw ni P-Noy na alisin

MANILA, Philippines -Sa kabila ng mga petis­yon sa Supreme Court (SC) para matigil at ma­ideklarang iligal ang Disbursement Acce­leration Program (DAP) ay nani­nindigan si Pangulong Benigno Aquino lll na huwag alisin ito.

Sinabi ni Pangulong Aquino sa coffee with the media kamakalawa ng gabi sa Bali, Indonesia na mahalaga ang nasabing mekanismo ng DAP para mapabilis ang pagpondo sa mga kinakailangang proyekto.

Anya, hindi dapat na­de-delay ang implementasyon ng mga proyekto na pakikinabangan ng taumbayan lalo na kung may savings naman sa national budget na aprubado ng Kongreso.

Hindi naman aniya sila nag-iimbento ng bagong budgetary line at tiwala itong walang nalalabag na batas.

Samantala, mistulang sinang-ayunan ng Supre­me Court si Aquino matapos na hindi nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) sa kontrober­siyal na DAP na nilikha ng kasalukuyang administrasyon noong taong 2011 matapos na magkasundo ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa isinagawang en banc session kahapon na gawin ang oral argument sa darating na Oktubre 22, 2013, alas-2:00 ng hapon.

Una nang naghain ng 26-pahinang petisyon si da­ting Manila Councilor Greco Belgica sa SC kung saan hiniling nito na ideklara ng korte na unconstitutional ang DAP at dating Iloilo Rep. Augusto “Buboy” Syjuco Jr. na kumukwestiyon sa legalidad nito.

Ang DAP ay hinihina­lang ginamit bilang uma­no’y reward para sa mga senador na bomoto para sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona noong nakaraang taon.

Sinasabing ang mahigit P1 bilyon pondo ng DAP na ipinalabas ng Pa­lasyo sa mga senador ay labag sa Section 25 ng Article 6 ng Konstitusyon kung saan ipinagbabawal ang pagpasa ng batas na magpapahintulot ng paglilipat ng appropriations na inilaan sa isang partikular na ahensya.

Sa kaso umano ng DAP, maituturing na may paglabag ang paglipat ng pondo dahil ang pondong inilipat sa legislative branch ay galing sa ehekutibo.

Show comments