Sheriff, 3 pa timbog sa droga

MANILA, Philippines - Isang sheriff na nagmamantine umano ng drug den, at tatlo pang kalalakihan ang inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) sa ginawang buy-bust operation sa Vigan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang mga suspek na sina Terencio Florendo, sheriff,  64, may-asawa at residente sa # 26 V. Delos Reyes; Romeo Liquette, 43, may-asawa ng Barangay III, Vigan City; Rustico Munson, 53, mekaniko, ng Barangay 4, Solid West, Vigan City, Ilocos Sur  at Bartolome Piano, 23, ng Barangay Capampangan, Vigan City, Ilocos Sur.

Ayon kay Cacdac, si Florendo ay sheriff ng Regional Trial Court Branch 21, Vigan City, Ilocos Sur.

Nabatid na dakong alas-4:00 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang tropa ng PDEA Regional Office 1 sa pangunguna ni Director Adrian G. Alvarino, at ng Vigan City Police Station sa bahay ni Florendo sa Encarnacion St., Brgy. V, Vigan City, Ilocos Sur, na ginagawang drug den na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 11 plastic sachets ng shabu, ibat-ibang uri ng drug paraphernalia at limang piraso ng P1,000 bills na marked money.

Kasong paglabag sa Section 5,  Section 6 at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga naaresto.

 

Show comments