Motorsiklo vs trak: 4 patay

MANILA, Philippines - Patay ang apat na rider makaraang aksidenteng sumalpok ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa nadiskaril na truck sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Morales, Koronadal City, South Cotabato nitong Biyernes ng gabi.

Kinilala ni SPO1 Mario Garrido, Desk officer ng Koronadal City Police ang mga nasawi na sina Jaymark Lumawag, 21-anyos, driver ng kulay itim na Kawasaki Baja motorcycle na walang plaka; mga angkas nitong sina John Paul Padernil­la, 19; Ronnie Godio, 21 at Roland Godio, 17; pa­wang ng Purok Greenfields, Brgy. Canuling, Tan­tangan ng nasabing lalawigan.

Ayon kay Garrido, ang apat na biktima ay idi­neklarang dead-on-arrival sa South Cotabato Provincial Hospital sanhi ng malubhang sugat na kanilang tinamo dahil sa pagkabagok ng kanilang mga ulo sa espaltadong kalsada.

Sinabi ni Garrido, naganap ang malagim na sakuna sa kahabaan ng national highway sa tapat ng isang subdibisyon sa Brgy. Morales sa lungsod dakong alas-9:30 ng gabi.

Kasalukuyang buma­bagtas ang motorsiklong sinasakyan ng apat na biktima galing sa Brgy San Felipe, Tantangan at patungong kanluran ng Koronadal nang mangyari ang sakuna.

Ani Garrido, sumabog ang kanang gulong sa hulihang bahagi ng kulay puting Isuzu forward truck (GYK-283) na minamaneho ni Roger Tadios, 35 anyos bunsod upang madiskaril ito sa highway.

Eksakto namang papa­rating ang motorsiklong minamaneho ni Lumawag kaangkas ang tatlo nitong kasamahan kung saan sa bilis ng pangyayari ay tuluy-tuloy itong sumalpok sa nasabing truck.

 

Show comments