Pulis nanutok ng baril sa ginang na may utang

MANILA, Philippines -Isang pulis ang sinampahan ng kaso matapos na pagmumurahin at tutukan ng  baril ang ginang na hindi nakabayad ng utang sa kanya sa Valenzuela City kahapon.

Ang suspek na si­nam­pahan ng kasong grave threat at violation of domicile ay si PO2 An­thony Teczon, nakatalaga sa Quezon City Police District at residente ng Santa  Monica Compound, Balubaran, Barangay  Malinta ng lungsod.

Sa salaysay ng biktimang si Visitacion Hererra, alas-11:00 ng umaga ay nagluluto siya sa loob ng kanilang bahay nang pasukin siya ni PO2 Teczon at pagmumurahin dahil hindi pa kumpleto ang bayad sa inutang nitong patubuan.

Nagbunot ng baril si Teczon hanggang sa dumating ang biyenan ng biktima na si Romy Hererra na dating photojournalist at inawat ang una.

Agad na  nagtungo ang biktima sa presinto at nagsampa ng kaso laban sa pulis.

Show comments