Holdaper na pulis, tugis

MANILA, Philippines - Tinutugis ng mga pulis ang kanilang kabaro matapos na muling masangkot sa panghoholdap kamakalawa ng gabi sa isang Korean national sa Pasay City.

Ang suspek ay kinilalang si PO3 Eduardo Cayabyab, dating nakatalaga sa Re­gional Personnel Holding and Accounting Unit ng National Capital Region Police Office (RPHAU-NCRPO) na positibong iti­nuro ng biniktima niyang si Chung Deok Young, 55, na pansamantalang  nanunuluyan sa Inwangsan Hotel, Makati City.

Sa salaysay ng biktima, dakong alas-10:50 ng gabi nang sumakay siya sa taxi na may plakang UVR-747 mula sa departure area ng NAIA Terminal 1 at magpapahatid sana sa Makati City nang biglang sumakay din ang dalawang lalaki na ang isa ay si Cayabyab.

Kinuha ng mga suspek sa biktima ang P20,000 cash, 30-pirasong travelers check na nagkakahalaga ng $15,500, 80,000 won at iba’t ibang uri ng alahas na may kabuuang halagang $5,300 dolyar bago ibinaba sa harap ng isang tindahan sa F.B. Harrison, Pasay City.

Humingi ng tulong ang biktima at dinala siya sa himpilan ng pulisya at dito ay ipinakita ang mga larawan ng mga naarestong holdaper at dito ay itinuro niya si Cayabyab na nahuli noon ng pulisya sa kasong panghoholdap sa mga tu­rista sa Ermita, Maynila noong Mayo 6 at Agosto 5, 2013, subalit nakalaya nang makapag-piyansa.

 

Show comments