MANILA, Philippines - Pinagbabaril ang isang retiradong Colonel ng Philippine Army ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa naganap na ambush kamakalawa sa Amansec Road, Brgy. Buenlag, Mangaldan, Pangasinan.
Namatay noon din ang biktima na nakilalang si ret. Lt. Col. Adelio Amansec, 64-anyos dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa cal. 45 pistol.
Sa ulat, dakong alas-12:20 ng tanghali ay naglaÂlakad ang biktima sa kahabaan ng Amansec Road, Brgy. Buenlag, Mangaldan, patungo sa isang tindahan nang sumulpot ang dalawang lalaki na magkaangkas sa kulay pula at itim na Honda Wave motorcycle na walang plaka.
Pagtapat sa biktima ay agad pinagbabaril ng mga salarin at ng masigurong patay na ay mabilis na nagsitakas sa lugar.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya kung sino ang mga suspek at ang motibo ng pagpatay.