New wage hike idinepensa ng Palasyo

MANILA, Philippines - Idinepensa kahapon ng Malacañang ang bagong wage hike sa National Capital Region na ipatutupad simula sa Enero 2014.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, binalanse lamang ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board sa NCR ang interes ng mga employers at mga manggagawa sa pagdedesisyon ng bagong wage hike.

May mga labor groups na umalma sa bagong wage increase dahil aabot lamang sa P10 ang itataas  sa sahod gayong P85 kada araw ang hinihingi nila.

Ayon kay Valte hindi lamang ang kagustuhan ng mga manggagawa na makapag-uwi ng mas malaking sahod ang isinasaalang-alang ng wage board kundi ang kakayanan din ng mga employers.

Iginiit pa ni Valte na kung pagbibigyan ang halagang gusto ng mga labor groups baka naman magsara na ang mga opisina kung hindi nila kakayanin ang mas mataas na wage hike ng kanilang mga empleyado.

Tiniyak din ni Valte na nagkaroon ng konsultasyon kaugnay sa bagong wage hike base na rin sa kautusan ni Department of Labor and Employment (DOLE)  Sec. Rosalinda Baldoz. Dahil sa bagong wage hike aabot na sa P466 ang minimum wage ng isang regular na empleyado sa NCR.

Show comments