Caretaker inutas sa pagsita

MANILA, Philippines -Nasawi ang isang 57-anyos na lalaki na care­taker ng isang durian plantation nang pagtatagain ng lolo ng isang menor de edad na sinita nito sa pagnanakaw ng prutas kamakalawa ng gabi sa Brgy. Poblacion, Rosario, Agusan del Sur.

Ang nasawi ay nakila­lang si Mariano Arcaya, caretaker sa malawak na lupaing taniman ng durian at rambutan na pag-aari ng negosyanteng si Titing Labores dahil sa mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ang suspek ay nakila­lang si Jimmy Bulwa, 43-anyos, karpintero sa na­sabing lugar ay sumuko sa pulisya.

Sa ulat ni CARAGA  Police Spokesman Supt. Martin Gamba, bago naga­nap ang pananaga sa biktima ng suspek dakong alas-8:00 ng gabi ay sinita umano ng biktima ang menor de edad na  apo ng suspek na tinukoy lamang sa palayaw na Lablab na nahuli nitong nagnanakaw ng mga prutas.

Kinompronta umano ng galit at nagmumurang biktima ang lolo ng bina­tilyo at ipinaalam ang ginawa ng kaniyang apo bagay na minasama ng suspek.

Habang nakaupo ang biktima sa harapan ng bahay ng kaniyang among  si Labores ay bigla na lamang itong lapitan at pagtatagain ng suspek.

 

Show comments