VIP treatment kay Napoles, binira

Ang mga tauhan ng Special Action Force na idi­neploy sa main gate ng Fort Sto Domingo, Sta Rosa, Laguna kung saan ililipat ng kulungan ang akusado sa pork barrel scam na si Janet Lim Napoles. JOVEN CAGANDE

MANILA, Philippines - Binira ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang pamahalaan dahil umano sa pagbibigay ng VIP treatment kay Janet Lim Napoles na sangkot sa P10 billion pork barrel scam.

Ganap na alas-9:00 ng umaga nang sabay sabay na nagtungo sa Makati ang grupo ng  VACC na may mga bitbit na naglalakihang placard nakasaad na “Mga politiko makonsensiya kayo. Lahat ng sangkot dito ay kaila­ngan ikulong at ibasura ang pork barrel”.

Pinangunahan ni VACC Chairman Dante Jimenez at Boy Evangelista ang isinagawang  kilos protesta  sa labas ng Makati City Jail upang harangin ang paglabas at pagpapalipat kay Napoles sa Fort Santo  Domingo sa Santa  Rosa, Laguna.

Mariing kinuwestiyon  ng VACC ang Malacañang  dahil sa special treatment na ibinibigay kay Napoles samatalang sangkot ito sa  maanomalyang pork barel scam.

“Sana huwag namang gawin ito ng pamahalaan natin, dapat ay sa Makati City Jail na lamang ikulong si Napoles” ani Jimenez.

Si Napoles ay nakatakdang ilipat sa Santa Rosa, Laguna matapos pagbigyan ni Makati Region Trial Court Judge Elmo Alameda ng Branch 150 ang petition  ng akusado na mailipat sa ibang kulungan para matiyak ang kanyang kaligtasan.

Show comments