Inilibing sa likod ng bahay… malupit na ama pinatay ng anak

MANILA, Philippines - Pinagtataga hanggang sa mapatay ng isang anak ang 68-anyos nitong ama matapos ipagtanggol ang ina na umano ay ginugulpi nito na naganap sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Pi­tawie, Gutalac, Zamboanga Del Norte.

Ang nasawing ama ay kinilalang si Marcos Ignacio Sr., na nagtamo ng mga taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan partikular na sa ulo, braso at balikat na siya nitong dagliang ikinasawi. Habang ang suspek ay ang anak nitong si Ronie Ignacio, 22.

Base sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon nang muling magwala ang biktima na noon ay nasa  impluwensya ng alak na kung saan ay sinaktan na naman ang misis nitong si Visitacion.

Sa gitna ng pag-aaway ay tinangka ng biktima na tagain ang kanyang misis, subalit umawat ang suspek at naagaw ang itak sa kaniyang ama. 

Sa galit ng ama ay ang anak ang pinagbalingan nitong saktan hanggang sa mapilitan ang binata na lumabas ng kanilang bahay.

Gayunman, bumalik ito makalipas ang ilang minuto at dinaluhong ng sunud-su­nod na taga ang ama na siya nitong ikinasawi. 

Nang mapatay ang biktima ay inilibing ito ng anak katulong ang ina sa likuran ng kanilang bahay upang itago ang krimen.

Isang testigo naman na kapitbahay ng pamilya ang nag-report ng insidente sa barangay chairman na agad dumulog sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Lumilitaw naman sa im­bestigasyon na ang panga­nay na anak na lalaki ni Marcos ay pinatay na rin nito sa taga noong 2001, pero nakalaya ito makaraan ang ilang buwang pagkakakulong dahilan sa hindi nagsampa ng demanda ang kaniyang misis at  ang suspek. 

Ito rin ang dahilan kung bakit tuluyan ng nawala ang respeto at pagmamahal sa biktima ang kaniyang pamilya.

Ang suspek  na nahaharap sa kasong kriminal ay nakakulong na sa detention cell ng Gutalac Municipal Police Station.

 

Show comments