MANILA, Philippines - Dedo ang isang 50-taong gulang na negosyante matapos na pagbabarilin nang pumalag at lumaban sa dalawang hindi nakikilalang miyembro ng Akyat Bahay Gang (ABG) na nanloob sa kanyang tindahan at tahanan sa Brgy. Sta. Lucia , Pagadian City, Zamboanga del Sur, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima na dead on arrival sa Borbon Hospital ay nakilalang si Chito Veran, may asawa, isang kilalang negosyante at residente sa naturang lugar.
Sa ulat ni Chief Inspector Ariel Huesca, Spokesman ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-6:45 ng gabi nang pasukin ng mga armadong suspek na nakasuot ng bonnet at naka-bullcap ang tahanan ni Veran sa kahabaan ng Jamisola Extension, Brgy. Sta. Lucia ng lungsod.
Agad na tinutukan ng baril ng mga biktima ang bayaw ni Veran na si Albert Macabudbud, 53, taga Pasig City, isang inhinyero at nagbabakasyon lamang sa lugar habang nakatayo sa tindahan ng kaniyang kapatid kung saan kinuha ang Samsung cellphone nito na nagkakahalaga ng P 10,000 .
Sumunod namang pinasok ng mga suspek ang tindahan at tinutukan si Chito at ang misis nitong si Naomi Macabudbud Veran saka kinuha ang lahat ng kinita ng tindahan.
Habang nangungulimbat ang mga suspek ay pumalag si Chito na siyang dahilan para siya ay pagbabarilin sa harap ng nahintakutan nitong misis at bayaw.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mga suspek tangay ang hindi pa madeterminang halaga ng pera at kagamitan.