San Juan explosion: 7 sugatan

Maging ang mga nakaparadang sasakyan sa kalsada ay nasira sa naganap na malakas na pagsabog sa Wilson St., San Juan City, kahapon ng madaling araw. -Bening Batuigas-

MANILA, Philippines - Sugatan ang pito katao sa naganap na pagsabog sa isang seafood restaurant sa San Juan City kahapon ng madaling araw.

Ang mga nasugatan ay kinilalang sina Allan Cabana Mauriel, 46, trabahador na nagkukumpuni sa laundry shop na katabi lamang ng restawrang sumabog; Julius Ras, 27, trabahador din sa laundry shop; Jaime Arvin Tacdoro, 22; Marlo Urdas, 40; Reynaldo Namura, 30; Gabriel Padilla, 45, taxi driver at Benito Tino Jr., security guard ng Mercury Drug.

Kaagad namang isinugod sa Cardinal Santos Hospital at San Juan City Medical Center ang mga nasugatan kung saan sila nilalapatan ng lunas sa ngayon.

Sa imbestigasyon ng San Juan City Police, nabatid na ang pagsabog ay naganap dakong ala-1:00 ng madaling araw sa Manosa Restaurant na matatagpuan  sa Wilson St., San Juan, habang nasa closing hour na ito.

Sinasabing nagulat na lamang ang mga tao sa lugar nang may biglang sumabog sa lugar at dahil sa lakas ay nangabasag ang mga salamin ng mga katabi at katapat na establisim­yento na kinabibilangan ng isang laundry shop at isang Pizza Hut restaurant.

Maging ang walong sasakyan at ilang motorsiklo sa kalsada ay nadamay at nasira din sa naganap na pagsabog.

Batay sa mga nakalap na ebidensiya ng Explosive and Ordnance team ng pulisya, posibleng hindi bomba ang sumabog sa lugar kundi maaa­ring tangke ng Liquefied Petroleum Gas (LPG).

Sinabi ni P/Chief Superintendent Miguel Laurel, director ng Eastern Police District (EPD), may mga indikasyon na gas explosion ang naganap na pagsabog dahil nakaamoy umano ng masangsang ang mga imbestigador at wala ring crater na nakita sa lugar.

Ayon naman kay DILG Secretary Mar Roxas, walang nakitang secon­dary devices at crater na karaniwang nagkakaroon sa mga pagsabog na likha ng bomba at wala ring indikasyong may mga pulbura ng pampasabog dahil nag-negatibo nang pasadahan ng mga bomb-sniffing dog ang lugar.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagsabog.

 

Show comments