Trader binoga sa ulo at dibdib… alitan tinapos sa2 bala ng kalibre 45

MANILA, Philippines -Tinapos sa dalawang bala ng kalibre 45 baril ang matagal na alitan ng isang negosyante at apat na katao na pawang magkakamag-anak matapos na siya ay pagbabarilin ng isa sa mga ito kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Hindi na umabot ng buhay sa Victor Potenciano Medical  Center ang biktimang si Gerald Reanales, 28, may-asawa, at residente ng 23 Ilaya St., Barangay  Ilaya ng lungsod.

Tinutugis na nang mga otoridad ang mga mag­kakamag-anak na suspek na nakilalang sina
Cris­niel De Guzman, Boy Reyes alyas Boyong, Willy Reyes at Cathyrene Reyes, pawang mga nasa hustong gulang at kalugar ng biktima.

Batay sa ulat, bago naganap ang krimen dakong alas-9:15 ng gabi ay nagpa-blotter muna sa  barangay hall ang mga suspek upang ireklamo ang biktima sa pagdadala nito ng baril.

Ilang minuto lang ang nakakalipas ay umali­ngawngaw ang dalawang putok ng baril at nakita na lang ang biktima na duguang nakahandusay sa gitna ng kalsada.

Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na may dating alitan ang biktima at mga suspek na  hindi na inihayag ng misis ng una sa pulisya.

 

Show comments