Binata, pinabulagta

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang binata makaraang dalawang beses na barilin ng isang hindi pa nakikilalang salarin sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktima ay kinilalang si Leopoldo Rigo, 21, walang trabaho, tubong Madandog, Masbate at residente ng Erickson St., Doña Nicasia Brgy. Commonwealth, sa lungsod.

Ang hindi pa nakikilalang suspek na mabilis na tumakas matapos ang krimen ay inilarawang nakasuot ng brown na jacket, tinatayang nasa 25-taong gulang, 5’4’-5’5 ang taas.

Ayon kay PO2 George Caculba, may hawak sa kaso, naganap ang pamamaril dakong alas-8:30 ng gabi sa tapat ng Rubilyn Store na matatagpuan sa Samsung St., Doña Nicasia Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Bago ang insidente, nagkukuwentuhan umano ang biktima kasama si Paquito Dote sa tapat ng tindahan nang sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima bago mabilis na tumakas.

Itinakbo naman ang biktima ng mga kaanak nito sa East Avenue Medical Center (EAMC) pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa nasabing pagamutan.

Show comments