Industriya tatamaan ng open pit mining ban

MANILA, Philippines - Inihayag ni Dr. Carlo Arcilla, direktor ng Natio­nal Institute of Geological Scien­ces sa University of the Philippines-Diliman na may mga  implikasyon ang pagbabawal sa open pit mining method sa konstruksiyon, pagmamanupaktura ng semento at iba pang panguna­hing industriya.

“Hindi alam ng mga taong tutol sa open pit mining ang kanilang mga pinagsasabi. Ang open pit mining method ay pagmimina sa ibabaw. Ibig sabihin nito, ang pagpasok at paglabas ng lahat ng materyales ay nagsisimula mula sa ibabaw kumpara sa underground mining na may operasyon ka sa ilalim,” paliwanag ni Arcilla.

Nilinaw din ni Arcilla na hindi alam ng mga tao na simpleng open pit ang quarrying at kung hindi papayagan ang quarrying ay walang aktibidades sa konstruksiyon.

“Saan natin kukunin ang nakokolekta tulad ng bato, buhangin at semento na nagmumula sa batong-apog? Siguro ang gusto nilang (anti-mining groups) ipagbawal ay open pit mining sa mga metal,” diin ni Arcilla.

Nilinaw niya na ma­ra­­­ming bansa na may mo­­dernong industriya na gu­magamit ng open pit mi­ning methods para makakuha ng mga mi­neral mula sa lupa.

Ayon kay Arcilla, ma­raming kompanya sa Pilipinas ang gumagamit ng  open pit mining method tulad ng Semirara, Phil­Minera, Oceana Gold, Atlas Mining sa Toledo, Cebu, at libo-libong quarrying firms tulad ng  Holcim at Lafarge na gumagawa ng semento mula sa batong-apog sa tulong ng open pit mining method.

“Naiintindihan ko ang alalahanin ng anti-mining groups pero sa kaso ng  Tampakan Gold Copper Project, dapat nilang tingnan ang magandang reputasyon ng Sagittarius Mines Inc. at Glencor-Xstrata,” giit ni Arcilla na pinag-aralan ang pormasyon ng mga bato sa Tampakan na ang deposito ng mineral ay malapit lamang sa ibabaw.

 

Show comments