Ginang binaril sa ulo… ‘Love triangle’ murder

MANILA, Philippines -Isang 52-anyos na ginang na isang meat vendor ang malapitang binaril sa ulo ng hindi pa kilalang lalaki habang iniaabot sa kanyang customer ang biniling karne kahapon ng umaga sa isang palengke sa Sta. Cruz, Maynila.

Namatay noon din ang biktimang si Clarita Rosales, may-asawa ng 3516 F. Roxas St., Bo. Obrero, Tondo, Maynila.

Ang suspek na tumakas ay inilarawan na may taas na 5’5”-5’8”, malaki ang pangangatawan habang ang isa ay  ang  nagsilbing driver ng isang get-away motorcycle.

Batay sa ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang naganap ang pamamaril sa stall 420 ng biktima sa Wet Market sa Antipolo St., Sta. Cruz, Maynila habang kanyang iniaabot ang paninda ng isang customer.

Mula sa kanyang likuran ay sumulpot ang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan sa ulo ang biktima at pagkatapos ay kaswal na naglakad at sumakay sa nag-aabang na motorsiklo.

Sinisilip ng pulisya ang anggulong love triangle ang dahilan nang pagbaril sa biktima na umano ay may kinakasamang isa rin vendor na mayroon ng pamilya.

Sa kabila na nagsasama na ang biktima at ang lalaki ay patuloy pa rin umanong pinakikisamahan ng huli ang kanyang misis bagama’t umuuwi rin ito sa biktima.

Hindi naman namukhaan ang suspek kahit na may CCTV sa lugar dahil nakasumbrero ito bukod pa sa nakakagat siya ng face towel na nagsisilbing panakip ng kanyang mukha.

 

Show comments