MANILA, Philippines - Pinagtataga hanggang sa mapatay ang isang helper habang ito ay kumakain sa loob ng inuupahang bahay sa Paco, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Ang biktima ay kinilalang si Marlon Pijana, may-asawa, miyembro ng Batang City Jail (BCJ), namamasukang helper ng Jackson Chrisostomo Flour Products at residente ng #1440 JMC Corp., Escoda St., Paco, Maynila.
Wala pang natutukoy na suspek ang mga awtoridad at ang posibleng motibo ng krimen.
Sa ulat ni SPO2 Ronald Gallo ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng bahay ng biktima.
Ayon sa isang Alvin Castillo, 24, kapwa okupante ng kuwarto ng biktima, bago naganap ang insidente ay inutusan siya nito na bumili ng kanilang hapunan sa karinderya at pagbalik niya ay nakita niyang duguan na ito kaya humingi ng saklolo sa isang Rodel Purog, tricycle driver, na katulong sa pagsugod sa PGH kung saan ito idineklarang dead on arrival.
Sa imbestigasyon, magulo at makalat ang silid ng biktima at puro dugo, na indikasyong nanlaban ito sa umaatake sa kaniya.